Home METRO Babaeng bagong panganak nag-ala-spiderman sa poste

Babaeng bagong panganak nag-ala-spiderman sa poste

MANILA, Philippines – Nasagip ang isang babae matapos umakyat sa poste ng kuryente at umupo sa ibabaw nito ng mga miyembro ng pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa Sitio Gipit, Antipolo City, inihayag ni Mayor Jun Ynares noong Martes, Mayo 28.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na ang babaeng kinilalang si Mylene Dungo, na tila may depresyon, ay umakyat sa poste at sinagip ng LGU.

Napag-alamang may post-partum depression (PPD) si Dungo.

Ang post-partum depression ay isang mood disorder na nararanasan pagkatapos ng panganganak. Kasama sa mga sintomas nito ang matinding kalungkutan, mababang enerhiya, pagkabalisa, mga yugto ng pag-iyak, pagkamayamutin, at mga pagbabago sa mga pattern ng pagtulog o pagkain.

Paliwanag ng alkalde, ilang beses nang dinala si Dungo sa isang ospital sa Mandaluyong, ngunit palaging dini-discharge matapos sagutin nang maayos ang mga tanong ng mga doktor.

Magsasagawa rin ng interview assessment ang Social Welfare Department (CSWD) ng lungsod sa asawa ni Mylene para malaman ang mga paraan kung paano siya matutulungan ng lungsod at ang kanyang pamilya lalo na sa kanyang sitwasyon.

Ayon sa mga eksperto, ang mga sintomas ng PPD ay maaaring mangyari anumang oras sa unang taon ng postpartum. RNT