MANILA, Philippines – NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng biktima ng trafficking na nagtangkang gumamit ng pekeng Commission on Filipino Overseas (CFO) certificate.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, sinubukang umalis ng 20-anyos na pasahero, na itinago ang pangalan bilang pagsunod sa anti-trafficking laws, patungong Nagoya, Japan noong Nobyembre 14 sa NAIA Terminal 3.
Aniya, sinabi ng babae na maglalakbay ito sa Japan upang bisitahin ang kanyang umano’y asawa, isang Japanese national, at nagpakita ng isang pekeng sertipiko ng CFO upang matugunan ang mga kinakailangan sa paglalakbay.
Gayunpaman, ang mga pagkakaiba sa sertipiko ay nag-udyok ng agarang pag-verify sa pamamagitan ng BI-CFO joint system, na nagkumpirma na ang dokumento ay invalid.
“Our officers swiftly initiated a check using the BI-CFO joint system, which enabled real-time verification of the authenticity of her documents,” ani Viado.
Ang sistema, na idinisenyo upang i-streamline ang pagproseso, pag-verify, at pagbabahagi ng data sa pagitan ng Bureau of Immigration at Commission on Filipino Overseas (CFO), ay kinumpirma na ang certificate number na ipinakita na wala ito sa CFO database.
Sa isinagawang karagdagang imbestigasyon, binili ng babae ang pekeng CFO certificate mula sa isang online fixer sa halagang P3,000.
“This joint system has proven to be an essential tool in preventing trafficking by quickly identifying fraudulent documents,” ani Viado. “The seamless data-sharing between the BI and CFO helps us protect Filipinos from falling victim to these syndicates,” dagdag pang opisyal.
Dinala ang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot sa paggawa ng pekeng sertipiko. JAY Reyes