MANILA, Philippines – INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI), kasama ng mga ahente ng National Bureau of Immigration (NBI) ang isang babaeng Chinese na nagpapakilala bilang isang Pilipino.
Nabatid sa BI na inaresto ang nasabing dayuhan noong Hulyo 13 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na kinilalang si Wang Xiujun, 43, na sinasabing gumagamit ng alyas na Cassia Palma Poliquit.
Iniutos ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagsubaybay sa kanyang mga paglalakbay at pag-aresto sa kanya matapos makatanggap ng impormasyon ang bureau mula sa NBI tungkol sa kahina-hinalang pagkakakilanlan ni Wang.
Isiniwalat ng isinagawang NBI dactyloscopy cross examination na si Poliquit ay may eksaktong parehong fingerprint records bilang Wang, na nagkukumpirma na sila ay tunay na parehong tao.
Dumating si Wang sakay ng isang Air Asia flight papuntang Manila mula sa Kuala Lumpur, at agad na inaresto ng mga opisyal ng BI border control at intelligence unit (BCIU).
Si Wang ay agad na nai-book at inilagay sa pasilidad ng BI warden, habang nakabinbin ang mga paglilitis sa deportasyon nito.
Itinuturing na si Wang ang ‘Alice Guo’ ng Metro, matapos makatanggap ang BI ng intelligence information sa kanyang pagkakasangkot sa mga negosyong nagbebenta at namamahagi ng mga de-kuryenteng sasakyan sa Metro Manila, habang gumagamit ng mapanlinlang na pagkakakilanlan bilang isang Filipino.
Sinasabing mayroon siyang Philippine passport at birth certificate na nakuha sa pamamagitan ng late registration sa kabila ng pagiging Chinese national na may hawak na investor’s visa.
Pinasalamatan ni Viado ang mga operatiba ng NBI sa kanilang mabilis na aksyon at koordinasyon na humantong sa pagkakaaresto sa dayuhan.
“The BI and the NBI have been strongly working together, leading to the arrest of key figures in identity theft and illegal use of Philippine documents,” ani Viado. “We commend our partners in law enforcement, and vow to further work together to rid the country of these undesirables,” dagdag pa ng opisyal. JAY Reyes