MANILA, Philippines- Posibleng matagal nang naninirahan sa imburnal ang misteryosong babae na nag-viral sa social media nang lumitaw mula sa isang drainage hole sa Legazpi Village, Makati City, base sa Makati City Police.
Ayon sa ulat nitong Miyerkules, sinabi ng mga pulis na natuklasan nila ang ilang personal na kagamitan sa loob ng drainage. Naniniwala rin silang kailangan ng babae ng atensyong medikal.
Samantala, nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang babae.
Ayon sa ahensya, natunton ng Pag-abot Team nito ang babae at kinausap bago dalhin sa Pag-abot Processing Center sa Pasay City nitong Huwebes.
Isasailalim siya sa masusing assessment at makatatanggap ng wastong interbensyon base sa kanyang kondisyon.
Sa ulat nitong Miyerkules, sinabi ng uploader ng mga larawan na nagtatakbo ang babae matapos umalis sa drainage, kung saan hinabol ito ng security guards. RNT/SA