SORSOGON-NAUWI sa trahedya ang masayang paliligo sa ilog ng tatlong batang babae matapos malunod ang mga ito, iniulat kahapon, Nobyembre 3 sa bayan ng Bulan.
Hindi na umabot pang buhay nang dalhin sa ospital ang mga biktimang hindi pinangalanan na edad 9 at ang dalawa ay 8-taon gulang, pawang mga residente ng Barangay Abad Santos, ng naturang bayan.
Sa report ng Bulan Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC), naganap ang insidente bandang 10:00 AM noong Sabado sa nabanggit na barangay.
Ayon sa mga magulang ng mga biktima, bago ang insidente nagpaalam ang kanilang anak na maligo sa ilog subalit hindi nila ito pinayagan.
Lingid sa kanilang kaalaman ay sinunod pa rin ng mga ito sa kanilang kagustuhan at naligo sa ilog kasama ang mga kaibigan.
Kwento ng mga kaibigan na kasama ng tatlo, habang sila ay naliligo sa ilog nakita nilang nalulunod ang tatlo kaya kumuha sila ng kahoy para tulungan iahon ang mga ito sa ilog.
Subalit, tila ipo-ipong bigla na lamang hinigop ang mga ito sa malalim na parte ng ilog hanggang sa tuluyang lumubog ang mga ito.
Agad naman silang humingi ng tulong sa mga awtoridad at ipinaalam ang pangyayari.
Sa pagresponde ng mga tauhan ng MDRRMC sa lugar ng pinangyarihan ng insidente, tumagal ng ilang oras bago nakuha ang katawan ng mga bata at dinala sa ospital pero wala na rin buhay ang mga ito ng idating. Mary Anne Sapico