Home METRO Babaeng pasyente patay sa pamamaril sa ospital, 3 iba pa sugatan

Babaeng pasyente patay sa pamamaril sa ospital, 3 iba pa sugatan

MANILA, Philippines – Isang babaeng pasyente ang binaril sa loob ng Emergency Room (ER) ng isang pampublikong pagamutan habang sugatan ang apat na iba pa kabilang ang ina ng biktima makaraang pagbabarilin ng isang lalaki na pumasok sa Pagamutan ng Dasmariñas sa Brgy Burol 2, Dasmarinas City, Cavite.

Base sa nakalap na report, kinilala ang biktima na si Chatty Timbang y Doringo na nasawi sa tama ng bala sa katawan habang sugatan naman ang ina nito na si Conchita Timbang at mga dalaw sa ospital na si Abdul Batua at Nedia Vasque.

Batay sa ginagawang imbestigasyon, inaalam pa ang pagkakakilanlan sa tatlong suspek na sakay ng isang motor na tumakas patungo sa direksyon ng Congressional Ave., ng naturang lungsod.

Ayon ulat, bandang alas-3:10 kamakalawa ng madaling araw nang naganap ang insidente sa loob ng ER ng Pagamutan ng Dasmarinas ng nasabing lugar.

Habang natutulog ang biktima ay pumasok ang suspek at walang awa nitong pinagbabaril ang pasyente na nagresula sa kanyang agarang kamatayan.

Kasalukuyan ring natutulog ang ina ng biktima na si Conchita sa tabi ng kama ng anak nang tamaan ng ligaw na bala sa kanang hita.

Napag-alaman na paglabas ng suspek sa ospital ay nakasalubong naman nito ang isa pang biktima at binaril rin ito na tinamaan naman sa kanang kamay habang sa kanang paa tinamaan ang isa pang biktima.

Nang tuluyan nang nakalabas ang suspek sa pagamutan ay sumakay ito sa nag-aabang na tricycle na may dalawang kataong sakay kabilang ang driver sa pagtakas.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng backtracking sa Closed Circuit Television (CCTV) sa lugar para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at inaalam din kung ano ang motibo sa pagpatay. Margie Bautista