MANILA, Philippines – Isang ina ang inundayan ng saksak ng kanyang sariling anak habang natutulog sa loob ng kanilang tahanan sa Sito Kuliglig, Brgy Dulong Bayan, Bacoor City, Cavite.
Kinilala ang suspek na si alyas Roderick, 39, may-asawa, walang trabaho, na tumakas matapos pagsasaksakin ang sariling ina na si alyas Amy, 58, biyuda, mananahi, kapwa residente sa nasabing lugar.
Ayon sa report, bandang alas-4:00 kamakalawa ng madaling araw kasalukuyang natutulog ang ina nang dumating ang anak nito at dito kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.
Matapos ang ginawang krimen ay tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa Binakayan Medical Center.
Nabatid na hindi umano nagkakasundo ang suspek sa kanyang pamilya at posibleng ito ang naging dahilan o motibo sa nasabing pananaksak.
Patuloy ang paghahanap ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong Frustrated Parricide. Margie Bautista