LA UNION-Swak sa kulungan ang isang family driver matapos na maaresto sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Central West, Bauang, La Union kahapon, Agosto 28.
Base sa inilabas na press release ni PLt. Col. Benigno C. Sumawang, Chief ng PPIO ng Police Regional Office (PRO) 1, ang 50-anyos na suspek ay residente ng Brgy. Kapt. Ato, Sta. Cruz, Pasig City.
Ang naturang buy-bust operation ay ikinasa ng mga personnel ng Buang Municipal Police Station kasama ang iba pang police units matapos silang makipag-ugnayan sa PDEA RO1.
Nakakumpiska ang mga otoridad sa naturang buy-bust operation ng 100 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P680,000.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakakumpiska rin ang mga otoridad ng mga drug paraphernalia.
Ang suspek ay nasa kustodya ngayon ng Bauang MPS. Rolando S. Gamoso