MANILA, Philippines – Nasawi ang 43-anyos na babaeng rider at naputulan pa ng braso matapos na salpukin ng nag-counterflow na jeepney sa San Mateo, Rizal, noong Huwebes, Agosto 20.
Tinamaan ang babaeng sakay ng motorsiklo sa General Luna Avenue, sa harap ng San Mateo Roman Catholic Cemetery, bandang alas-6 ng gabi.
Batay sa imbestigasyon ng San Mateo Municipal Police Station (MPS), nagsimula pa lamang ang jeepney sa biyahe nito at nagmamadali para magsakay ng pasahero.
“Nag-overtake, nag-swerve sa inovertakan na sasakyan at hindi na nito nabawi. Kaya tuloy-tuloy siya sa kabilang lane at nabangga na po itong biktima,” ayon kay San Mateo MPS Investigator Patrolman Raymond Montojo.
Agad na inaresto ng pulisya ang 20-anyos na drayber ng jeepney.
Nahaharap ito sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Nag-isyu na rin ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order sa drayber at registered owner ng jeepney at inatasan ang mga ito na humarap sa ahensya sa Agosto 27.
“Pagka na-involve ka sa aksidenteng ganyan na kapabayaan mo, ng driver, dapat diyan perpetual revocation. Kaya ang recommendation ko diyan ‘yung lifetime ban ng license, nakapatay ka e dahil sa kapabayaan dahil sa ginagawa nila… ‘yung mga taong ‘yan dapat talaga mas mabibigat ang parusa,” pahayag ni LTO Chief Asec. Markus Lacanilao.
Inalarma na rin ang jeepney na sangkot sa insidente.
Nasa kustodiya na rin ng San Mateo MPS ang jeepney driver. RNT/JGC