MANILA, Philippines- Nasagip ang biktima ng kidnap-for-ransom na 33-taong-gulang na Vietnamese national habang tatlong Chinese national naman ang nadakip sa ikinasang high-risk rescue operation ng Makati City police Biyernes ng madaling araw, Hunyo 6.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Maj. Gen. Anthony A. Aberin ang mga nadakip na suspek na sina alyas Lei, 32, alyas Xing, 33, at isang alyas Zhou, 38.
Base sa report na natanggap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Maj. Gen. Anthony A Aberin, matagumpay na nasagip sa isinagawang rescue operation ang biktima sa kamay ng mga suspek dakong alas-12 ng hatinggabi sa isang condominium unit na matatagpuan sa kanto ng Amorsolo at Arnaiz Avenue, Barangay San Lorenzo, Makati City.
Ayon kay Aberin, nitong nakaraang Miyerkules (Hunyo 4) ay nahikayat ng mga suspek na makipagkita sa kanila ang biktima sa isang lugar Makati at pwersahang dinala ito sa Tagaytay kung saan pilit itong pinatikim ng ilegal na droga, ginahasa at kinunan pa ng video ng limang hindi pa nakikilang indibidwal.
Makaraan ang insidente ay ibinalik na ang biktima sa condo ng mga suspek sa Makati kung saan humingi na ng ransom na 500 milyong Vietnamese Dong na katumbas ng ₱1,000,000 ang mga ito sa asawa ng biktima na nasa abroad at nagbanta na kung hindi ito maibibigay sa kanila ay puputulin ng mga ito ang daliri ng biktima.
Sa takot ay naalarma ang asawa ng biktima at humingi ng tulong sa kanyang kaibigan sa bansa na siya namang agad na nag-report sa mga awtoridad.
Matapos makuha ang impormasyon ay agad na nagkasa ng rescue operation ang pinagsanib na pwersa ng mga operatiba mula sa Investigation and Detective Management Section (IDMS), Station Intelligence Section (SIS), DMFB SWAT, at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Makati City police ng naturang condo unit na nagresulta ng pagkakaresto ng tatlong suspek na mga nasa edad 32, 33, at 38 gayundin ang pagkakasagip sa biktima.
Narekober sa posesyon ng mga suspek ang dalawang baril na pistola na 9mm Taurus at .22 Jennings, mga magazine at bala, 20 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa pitong sachet na nagkakahalaga ng ₱136,800, isang vial ng pinaghihinalaang liquid ecstasy, isang posas, pekeng boodle money, Hyundai Starex van, isang plaka ng kotse, anim na susi ng kotse, dalawang mobile phones na kanilang ginamit sa extortion scheme, at iba’t ibang drug paraphernalia kabilang ang glass tube at lighter.
Sa isinagawang background check sa isa sa mga suspek ay nadiskubre na sangkot ito sa mga kriminal na aktibidad sa iba’t ibang lugar sa bansa kabilang na dito ang illegal detention, estafa, at grave threats.
“NCRPO commits to uphold the directive of PGen Nicolas D Torre III to make sure that our police service is swift and responsive. The immediate arrest of the suspects and the safe rescue of the victim stand as proof of the renewed competence and reliability of the PNP under the leadership of the new Chief PNP,” ani Aberin.
Nahaharap sa mga kasong kidnapping-for-ransom na nakapailalim sa Article 267 ng Revised Penal Code na inamyendahan ng R.A. No. 10951, paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), kung saan ang lahat ng mga ito ay may kaugnayan sa Omnibus Election Code. James I. Catapusan