Home NATIONWIDE Babala ng Comelec: voter’s registration fee, fake news!

Babala ng Comelec: voter’s registration fee, fake news!

363
0

MANILA, Philippines – Naglabas ng advisory ang Commission on Elections (Comelec) laban sa isang social media post na kumakalat online na sisingilin ang mga gustong magparehistro bilang mga botante.

Sa isang “fake news alert” noong Biyernes ng gabi, itinanggi ng poll body na naniningil ito ng P3,000-fee para sa bawat voter registration, gaya ng sinabi ng isang pekeng anunsyo sa social media.

“Ang Facebook post na kumakalat ukol sa pagbabayad ng halagang 3,000 PHP para makapagparehistro bilang botante ay HINDI TOTOO at HINDI GALING sa tanggapan ng Commission on Elections,” ayon sa Comelec.

Idinagdag ng Comelec na ang parehong mapanlinlang na nilalaman ay hindi naka post sa opisyal at verified nitong mga social media channel sa anumang platform.

May kabuuang 2.8 milyong Pilipino ang nagparehistro para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa 10 araw na voter registration drive ng Comelec.

Nagsimula ito noong Agosto 1, o halos dalawang linggo bago nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act (RA) 12232, na ipinagpaliban ang mga botohan mula Oktubre 2025 hanggang Nobyembre 2026.

Itinakda ng bagong batas ang termino ng panunungkulan ng lahat ng halal na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sa apat na taon.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na magpapatuloy ang rehistrasyon ng mga botante para sa BSKE sa Oktubre ngayong taon.

Sa advisory din nito, iginiit ng Comelec na hinding-hindi nito sisingilin ang anumang bayad para magparehistro bilang mga botante sa anumang halalan.

“Ang pagpaparehistro bilang botante ay isang karapatang ginarantiya ng ating Konstitusyon sa mga karaniwang Pilipino at walang anumang klase ng bayad ang kailangan para rito,” saad ng Comelec

Binalaan ng poll body ang publiko na iwasang mag-click sa mga kahina-hinalang link, at ibahagi ito sa iba online.

Pinayuhan ang publiko na maghanap ng impormasyon sa opisyal na website ng Comelec (www.comelec.gov.ph) at sa mga verified na social media account nito. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here