Home NATIONWIDE Babala ng mga doktor: Halos 40% ng Pinoy, obese na

Babala ng mga doktor: Halos 40% ng Pinoy, obese na

209
0

NAGBABALA ang mga nangungunang medical society sa bansa sa lumalalang kaso ng obesity sa Pilipinas na nagdudulot ng seryosong banta sa kalusugan ng puso at bato ng mga Pilipino.

Ayon sa Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism (PCEDM), tinatayang 39.8% ng mga adult na Pilipino ang obese habang 17.3% naman ang overweight, na naglalagay sa kanila sa mataas na panganib ng iba’t ibang sakit.

Dahil dito, nagsanib-puwersa ang PCEDM, Philippine Heart Association (PHA), Philippine Society of Nephrology (PSN), at Philippine Association for the Study of Overweight and Obesity (PASOO) upang paigtingin ang kampanya laban sa obesity at maiwasan ang malubhang komplikasyon sa kalusugan.

Ipinaliwanag ni Elaine Cunanan na hindi lamang simpleng lifestyle problem ang obesity kundi isang chronic disease na may kaugnayan sa genetics, pagkain at kapaligiran.

Dagdag pa niya, kapag napabayaan ang obesity ay maaari itong magdulot ng diabetes, hypertension at chronic kidney disease, na kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa.

Ayon naman kay Lourdes Ella Santos, mas marami na ngayong kabataang Pilipino ang nagkakaroon ng diabetes at high blood dahil sa labis na timbang na naglalagay sa panganib sa puso.

Nagbabala rin si Ricardo A. Francisco na maaaring mauwi ang obesity sa chronic kidney disease, na kadalasang natutuklasan lamang kapag malala na at nangangailangan na ng dialysis o kidney transplant.

Kaya nananawagan ang mga eksperto sa pamahalaan at publiko na palakasin ang health programs, regular na screening, at mas malusog na lifestyle upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng obesity sa bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here