MANILA, Philippines- Ginagamit ng illegal recruiters at human traffickers ang sinasabing “backdoor exit” ng Pilipinas sa Mindanao bilang exit point upang palabasin ang mga Pilipino patungong abroad.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na maaaaring ginamit din ang naturang ruta ng grupo ni dating Bamban Mayor Alice Guo upang tumakas ng bansa patungong Indonesia.
Ayon sa senador, naloloko ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) ng illegal recruiters na magtrabaho sa Europe kapalit ng P400,000 placement fee.
Pero, kakaiba ang exit point nila ng Pilipinas.
“Nagsimula ang kanilang paglalakbay noong August 6. Lumipad sila ng commercial flight mula Manila papuntang Zamboanga. Noong August 7, lumipad naman sila mula Zamboanga papuntang Tawi-Tawi,” ayon kay Tulfo.
“Noong August 8 ng madaling araw, pinagpatuloy ang paglakbay sakay ng bangka. Dito hinipuan sa maseselang bahagi ng katawan ang isa sa mga babaeng OFW nung kanilang bangkero,” dagdag niya.
Dahil sa takot na ihagis sa dagat, sinabi ni Tulfo na hindi na tumatanggi ang OFW at nagpapabaya na lamang.
Sinabi niya na nakarating ang grupo ng OFW sa Semporna, Sabah noong gabi ng August 8. Mula rito, lumipat sila sa Kuala Lumpur, Malaysia saka tumungo sa Thailand.
“Tinawagan nila ang kanilang recruiter. Kung ano-anong dahilan ang sinabi sa kanila at sinubukan silang hingan pa ng pera upang maayos pa raw ang problema,” ayon sa senador.
“Kinalaunan, tumawag na ang grupo sa mga pamilya nila dahil binabantaan na sila ng kanilang recruiter na kung hindi sila magbibigay ng karagdagang pera, magkaka-problema sila dahil may droga ang kanilang iniwan daw na bagahe.”
Iniulat ang insidente sa tanggapan ni Tulfo at sa Department of Migrant Workers (DMW) kaya nabawi ang OFWs.
Hiniling ng senador na imbestigahan ng Senate Committee on Labor at Committee on Justice and Human Rights ang insidente. Ernie Reyes