Home METRO Bacolod-Manila flight, naantala sa bomb threat

Bacolod-Manila flight, naantala sa bomb threat

MANILA, Philippines- Naantala ang Cebu Pacific flight sa Bacolod-Silay airport patungong Manila nitong Linggo ng gabi matapos isa sa mga pasahero ang makatanggap ng bomb threat, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines.

Base sa CAAP, isang pasahero ng Flight 5J472 ang nakatanggap ng bomb threat sa pamamagitan ng AirDrop dakong alas-11:39 ng gabi habang nasa loob ng eroplano.

Anang CAAP, agad na iniulat ng pasahero ang mensahe sa cabin crew attendant, na siyang nagsabi sa piloto.

Inihayag ni CebPac spokesperson Carmina Romero na ipinag-utos ng pilot in command ang full aircraft, passenger, baggage, at cargo re-screening at security check. Pinakilos din ang Bacolod K-9 Unit.

Idinagdag ni Romero na, “No impact (on operations.) We have protocols.”

Agad naman ipinagbigay-alam sa Philippine National Police Aviation Security and Emergency Unit (PNP AVSEU) ang insidente.

Nagsagawa ng inspeksyon ang bomb squad sa aircraft at cargo, habang kinailangang dumaan muli ng mga pasahero sa  x-ray security check.

Dahil dito, dalawang oras naantala ang flight, base sa CAAP.

Nakaalis na ito pagsapit ng alas-2:18 ng madaling araw nitong July 3, 2023, sakay ang 193 pasahero.

Nagtutulungan ang Cebu Pacific, Manila International Airport Authority (MIAA), PNP AVSEU, at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa insidente.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang Cebu Pacific ukol dito. RNT/SA

Previous articleRatings ng E.A.T., IS at EB, inilabas na!
Next articleBiyaheng Alabang-Calamba ng PNR, tigil muna