Home METRO Bading itinumba habang nagre-rebond

Bading itinumba habang nagre-rebond

CEBU CITY- SABOG ang bungo ng isang miyembro ng LGBT community matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay nagre-rebond ng buhok ng kanyang kapitbahay, iniulat kahapon, Enero 2 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Allan Primacio, 30, tubong Isla Cabul-an Buenavista, Bohol at nakatira sa Barangay Suba, Cebu.

Ayon kay Police Captain Dave Villaluz, hepe ng Sawang Calero Police Station, bandang 5:10 p.m. noong Enero 1, 2025, naganap ang krimen sa Sitio Block 5, Abellana Street, Barangay Suba, Cebu City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, abala ang biktima sa pagre-rebond ng buhok ng kanyang kaibigan nang bigla na lamang sumulpot ang armadong suspek at binaril ito sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico