Home NATIONWIDE Badyet ng PAOCC, dadagdagan ni Gatchalian: ‘Suporta vs POGO’

Badyet ng PAOCC, dadagdagan ni Gatchalian: ‘Suporta vs POGO’

MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Senador Sherwin Gatchalian ang intensyon na itaas ang pondo ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) bilang suporta sa pagsisikap nitong labanan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“Pinupuri ko ang PAOCC sa pamumuno sa mga sunud-sunod na raid laban sa mga POGO nitong mga nakaraang buwan. Sa kasamaang-palad, hindi sapat ang kanilang manpower upang ipagpatuloy ang mga karagdagang operasyon,” ani Gatchalian sa isang pagdinig sa Senado kaugnay ng ilegal na operasyon ng mga POGO.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga para sa PAOCC na mapanatili ang kanilang kampanya laban sa mga POGO upang epektibong maisakatuparan ng ehekutibo ang utos ng Pangulo na ganap na ipagbawal ang mga POGO bago matapos ang taon.

“Gusto natin na mabigyan ng mas malaking pondo ang PAOCC upang madagdagan pa ang kanilang tauhan, kagamitan, at iba pang kinakailangang suporta para mas mapalakas ang kanilang operasyon at masiguro ang mabilis at epektibong pagtugon sa mga kaso,” ani Gatchalian.

“Kailangan nating maghanda para sa anumang maaaring mangyari, kabilang ang posibilidad na ang ilan sa mga POGO na ito ay mag-operate nang underground,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, mayroong humigit-kumulang 41 na internet gaming licensees (IGL) ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR). Ayon sa ahensya, may 250 na mga POGO ang maaaring nag-ooperate pa rin ng walang lisensya at maaaring sangkot sa iba’t ibang kriminalidad. Ernie Reyes