SURIGAO DEL SUR- PATAY ang magkaibigan matapos pagsasaksakin ng isa pa nilang kaibigan habang nag-iinuman dahil umano sa dating alitan, iniulat kahapon, Setyembre 20 sa bayan ng Esperanza.
Kinilala ang mga biktimang sina Novem Batan, 32 at Richard Sacro, 46, habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Marjun Sumacop, 45, lahat ay residente ng Purok 14, Poblacion, Esperanza, Agusan del Sur.
Batay sa report ng Esperanza Municipal Police Station, dakong 7:00 PM naganap ang krimen sa naturang lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sa gitna ng inuman ng magkakaibigan naungkat ang umano’y dati nilang hidwaan na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Biglang umalis ang suspek at umuwi sa kanilang bahay subalit nagpatuloy naman ang inuman ng mga biktima sa pag-aakalang hindi na babalik pa ang suspek.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik sa inuman ang suspek bitbit ang kutsilyo at pinag-uundayan ng saksak ang dalawa sa iba’t ibang parte ng katawan na naging ng agaran nilang kamatayan.
Mabilis naman rumesponde ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakakulong ngayon sa lock-up facility ng Esperanza-MPS at nahaharap sa dalawang kasong homicide. Mary Anne Sapico