MAGUINDANAO DEL SUR- PATAY ang isang kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Units (CAFGU) matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang armadong suspek, kahapon ng hapon, Setyembre 20 sa bayan ng Rajahbuayan.
Kinilala ang biktimang si Tata Sali Resuma, residente ng Barangay Poblacion Barurao, Sultan Sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Sa inisyal na report ng Rajah Buayan Municipal Police Station, bandang 5:00 PM nang Biyernes naganap ang krimen sa national highway sa nasabing lugar.
Nabatid, pauwi na ang biktima sa kanilang tahanan at lingid sa kanyang kaalaman sinusundan ito ng mga suspek.
Agad na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ng krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon lulan ng motorsiklo.
Inaalam na ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico