ILOCOS SUR – Patay ang driver at angkas nito matapos na bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang nakaparadang backhoe sa Alilem Bakun road sa Sitio Macdaar, Brgy. Alilem Daya, Alilem ng lalawigang ito bandang 12:30 ng madaling-araw ngayong Sabado, Setyembre 21.
Kinilala ng Alilem Municipal Police Station ang driver ng kulay itim na Rusi 150 na si Gabriel Pias y Orael, 18, walang asawa, at ang angkas nito na si Banz Balang y Cayat, 23, parehong residente ng Brgy. Amilongan ng naturang bayan.
Ang motorsiklo na mabilis ang takbo ay papunta ng silangang direksyon sa naturang kalsada.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, biglang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa bumangga ang motorsiklo sa backhoe na nakaparada sa opposite lane na under construction.
Dahil dito, ang driver at ang angkas nito ay parehong nagtamo ng head injury at sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Mabilis na isinugod sa Alilem Municipal Health Unit ang dalawang biktima.
Gayunman, ang dalawang biktima ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.
Walang suot na protective gear ang dalawang biktima nang mangyari ang insidente. Rolando S. Gamoso