Home NATIONWIDE Pilipinas target bumili ng missile launcher

Pilipinas target bumili ng missile launcher

MANILA, Philippines – Umaasa ang Pilipinas na makakabili ito ng mid-range capability missiles sa hinaharap, at nais ding magamit ang U.S.-deployed Typhon system para sa military training nito.

Ayon kay Philippine National Security Adviser Eduardo Año, wala pang itinakdang timeline para sa withdrawal ng mid-range missile system ng Estados Unidos mula sa bansa na nauna nang ipinanawagan ng China na i-pull out ito dahil umano sa banta ng geopolitical confrontation.

Sa ulat ng Reuters nitong Huwebes, Setyembre 19, sinabi na sinusuri ng US ang posibilidad ng paggamit ng missile system sa regional conflict at walang agarang plano na bawiin ito.

Matatandaan na ipinadala ito sa Hilagang Luzon noong Abril bilang bahagi ng joint military drills.

Ito ang kauna-unahang deployment sa Indo-Pacific Region, bagamat walang missile na inilunsad sa nasabing exercises.

“We don’t have a timeline,” ani Año, nang tanungin kung hanggang kalian mananatili ang Typhon system sa Pilipinas.

“No plans to pull it out yet.”

“There will be consultation, but for now we need the … Typhon missile launcher for our training and upgrading the capabilities of our armed forces,” dagdag ni Año.

Ang deployment ng Typhon na maaaring lagyan ng cruise missiles ay kayang patamaan ang mga target na Chinese, na sumabay pa sa panahon ng tensyonableng sitwasyon sa pagitan ng Beijing at Manila sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.

Sa pinakahuling satellite image, makikita ang
Typhon na nasa Laoag International Airport sa Ilocos Norte, at nakaharap sa South China Sea, at malapit sa Taiwan Strait.

“We also need to know how to operate this because, in the future, these are the types of equipment we would want to procure,” sinabi ni Año.

Nitong Huwebes, sinabi ng foreign ministry ng China na nababahala ito tungkol sa planong panatilihin sa bansa ang naturang missile system.

“Nobody can dictate to us on what to do,” giit ni Año para sa China.

“We know what is best for our country, so they cannot dictate anything (to) us, particularly on the deployment of this missile launcher.” RNT/JGC