CEBU CITY– BINUSALAN ng panyo ang bibig at wala nang buhay nang matagpuan ang bangkay ng isang dalagang grade 12-student sa loob ng lodging house, kahapon, Setyembre 20 sa bayan ng Toledo.
Kinilala ang biktimang si Mae Fatima Tagactac, 18-anyos, taga-Barangay Sto. Nino at estudyante ng Buanoy National High School, Toledo City.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Richard Cabugsa at huling namataan sa Pier 1, Cebu City.
Batay sa report ng Toledo City Police, umaga ng Biyernes, natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng isang lodging house sa Barangay Poblacion, ng naturang lungsod.
Sa pahayag ng ina ng biktima, sinabi sa kanya ng anak na makikipag-meet up ito sa kanyang ka-chat at pinigilan niya ito dahil wala man lamang larawan na ipinapakita sa kanya ang suspek hanggang sa hindi na ito nakauwi.
Base sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, nakita sa CCTV footage na bago nawala ang biktima ay kasama nito ang suspek.
Isasailalim naman sa otopsiya ang bangkay ng biktima para makumpirma kung ginahasa muna ito bago pinatay.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek.
Paulit-ulit naman nagpaalala ang mga awtoridad sa mga kabataan na huwag basta makipag date o basta magtiwala sa mga taong nakilala lamang sa social media. Mary Anne Sapico