MANILA, Philippines – Posibleng maging bagong bagyo ang low-pressure area (LPA) na papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ngayong Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa pinakahuling ulat, ang LPA na may international designation na 10e ay huling namataan 1,505 kilometro silangan ng Eastern Visayas at wala pa itong direktang epekto sa bansa.
“We expect that this will enter our area of responsibility today, most likely as a low-pressure area,” ayon kay Pagasa weather specialist Loriedin de la Cruz.
Ngunit base sa pagsusuri ng Pagasa, may mataas na posibilidad na maging tropical cyclone ang LPA sa loob ng 24 hanggang 36 oras.
Kapag tuluyang nabuo, bibigyan ito ng lokal na pangalang “Ramil.”
“Based on our projections, its movement is generally west-northwestward, so there is a high chance of a landfall scenario between the areas of Cagayan and Isabela,” dagdag ni de la Cruz.
Hindi rin isinasantabi ng Pagasa ang posibilidad na lumihis paibaba ang direksyon ng sama ng panahon at tumama muna sa Bicol Region bago ito magtungo sa Northern o Central Luzon. RNT/JGC