Home NATIONWIDE Bagong ballot faces para sa Eleksyon 2025 ipinasilip ng Comelec

Bagong ballot faces para sa Eleksyon 2025 ipinasilip ng Comelec

MANILA, PHilippines- Nag-upload na ang Commission on Elections (Comelec) ng bagong ballot faces para sa 2025 national at local elections sa kanilang website bago ang planong pagpapatuloy ng ballot printing ngayong Lunes, Enero 27.

Ang bagong ballot faces ay naglalaman ng 66 sneatorial candidates at 156 party-list group candidates gayundin ang local candidates para sa provincial, municipality at congressional district seats.

Nakatakda ring simulan ang pag-imprenta ng mga balota para sa 2025 elections ngayong Lunes (Enero 27).

Nauna nang ipinagpaliban ng Comelec ang pag-imprenta ng mga balota noong nakaraang linggo kasunod ng inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Supreme Court laban sa disqualification ng ilang kandidato.

Dahil sa pinaikling time frame para sa pag-imprenta ng mga opisyal na balota, layunin ng Comelec na makagawa ng 1.5 milyong balota kada araw.

Inatasan ng Comelec ang National Printing Office (NPO) upang matiyak ang “wasto, kasiya-siya, at napapanahong” pagkumpleto ng muling pag-imprenta ng mga opisyal na balota.

Sa kabila ng mga pagkaantala, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na magpapatuloy pa rin ang 2025 elections ayon sa iskedyul sa Mayo 12. Jocelyn Tabangcura-Domenden