MANILA, Philippines- Bumaba ang bilang ng mga nakakulong sa detention facilities sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa ulat ng BJMP, bumaba ang congestion rate sa 303 percent nitong 2024 dahil sa ipinaiiral na jail decongestion programs.
Ayon sa BJMP, nagsimula ito ng 2024 na may 335 percent noong Enero at naging epektibo ang “zero overstaying’’ program nito para sa mga kwalipikadong persons deprived of liberty (PDLs) para makalaya sa 478 jail facilities sa buong bansa.
Pinasalamatan ng BJMP si Pangulong Bongbong Marcos sa suporta nito sa programa ng ahensya at tiniyak na ginagawa nito ang lahat ng legal na paraan upang mabawasan ang mga kulungan kasunod ng kautusan na madaliin ang pagpapalaya ng mga kwalipiladong PDL upang mapaluwag ang jail facilities.
Kamakailan ay nagdaos si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida V. Rueda-Acosta ng “Legal, Medical and Decongestion Program’’ sa Quezon City Jail Female Dormitory (QCJFD).
Sinabi ni QCJFD warden Chief Inspector Lourvina Abrazado na ang layunin ng naturang programa ay matugunan ang legal at medikal na problema ng mga PDL.
Ayon kay Abrazado, isinagawa ang legal consultations at pagrepaso sa kaso ng mga PDL upang matulungang mapabilis ang pagresolba sa kanilang kaso at mapalaya na ang nararapat. Teresa Tavares