MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa ang pinakabagong offshore patrol vessel ng Philippine Navy na future BRP Lakandula.
Ayon sa Philippine Navy, sinalubong ang barko sa isang seremonya sa Naval Operating Base-Subic noong Mayo 8, 2026. Ang barko ay gawa ng HD Hyundai Heavy Industries at pormal pang ikokomisyon sa mga susunod na araw. Dumating ito sa Pilipinas noong Mayo 4, 2026.
Sinabi ni Philippine Navy Vice Admiral Caesar Bernard Valencia na simbolo ang barko ng katatagan at tapang ng bansa.
“When this ship sails, the spirit of Rajah Lakandula sails with it — steadfast, wise, and unyielding. We are telling the world that we are a peace-loving nation. Our resolve to protect what is ours is as deep as the trenches of the Philippines,” ani Valencia.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ni Rajah Lakandula, ang dating pinuno ng Tondo bago dumating ang mga Kastila, bilang simbolo ng liderato at katapangan.
Ayon sa Philippine Navy, makakatulong ang BRP Lakandula sa pagpapalakas ng maritime security operations at pagpapanatili ng presensya ng hukbong-dagat sa karagatan ng bansa.
Dagdag pa nila, bahagi ito ng pagpapalakas ng kakayahan ng Navy para maprotektahan ang teritoryo at seguridad ng Pilipinas. RNT/MND