MANILA, Philippines- Nagpalabas ang Malakanyang ng talaan ng mga bagong appointed ambassador at iba pang mga opisyal sa 12 iba pang ahensya ng pamahalaan.
Sa katunayan, base sa listahan ng mga appointee, itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Patrick Chuasoto bilang Philippine Ambassador to Sweden, na may concurrent jurisdiction sa sa Latvia.
Itinalaga rin ng Pangulo si Eduardo Jose De Vega bilang Philippine Ambassador to France, humahawak ng concurrent jurisdiction sa Monaco habang itinalaga naman ng Pangulo si Christopher Montero bilang Philippine Ambassador to Indonesia.
Sa kabilang dako, muli namang itinalaga ng Pangulo si Leonor Cleofas bilang administrator at chief executive officer ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), at Elpidio Vega bilang chairperson nito. Magsisilbi naman si Cleofas bilang miyembro ng MWSS Board of Trustees, kasama sina Vega, Merly Cruz, Dale Brian Go, at Jose Hernandez.
Itinalaga rin ng Chief Executive sina Rickee Gerald Brieva at Joshua Agustin Soriano bilang Presidential Legislative Liaison Officer III; at Rey Zarate Jr. bilang Presidential Legislative Liaison Officer II sa Presidential Legislative Liaison Office sa ilalim ng Office of the President (OP).
Si Maria Amifaith Fider-Reyes ay itinalaga bilang miyembro ng Commission on Human Rights, habang si Nasser Halipa ay itinalaga bilang miyembro ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board, tatayong kinatawan ng mga benepisaryo ng agrarian reform.
Itinalaga ng Punong Ehekutibo si Rogelio Chavez Jr. bilang miyembro ng Technical Education and Skills Development Authority Board, tatayong kinatawan ng sektor ng paggawa.
Itinalaga rin ni Pangulong Marcos si Danton Bueser at Jose Mari Ponce bilang mga board members ng Subic Bay Metropolitan Authority Board of Directors. Si Bueser ang kakatawan sa national government, at si Ponce naman sa pribadong sektor.
Samantala, ang iba pang mga appointed official ay sina Lorna Belinda Calda (Department of Agriculture, Director III); Gerson Marvin Abesamis at Graciela Mendoza (Department of Education, kapuwa Director IV); Ricky Arzadon (Director IV) at Vicente Leocadio Mariano Abella (Director III) para sa (Department of Environment and Natural Resources); Sabeniano Caliao Jr. (Department of Public Works and Highways, Director III); Jerico Namoro (Department of Trade and Industry, Director Ill); at Ernesto Raphael Robillo (Land Transportation Office, Director II). Kris Jose