OPISYAL ng binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas at Bureau of Fire Protection-Navotas ang bagong tayong Tanza Fire Station.
Naitayo ang bagong fire station sa NavotaAs Homes 1-Tanza-2 na bukod sa tumugon sa wastong pamantayan ay may mga pasilidad pang dinisenyo upang higit na mapahusay ang kahandaan ng mga bumbero na makatugon ng mabilis sa sunog at iba pang biglaang pangangailangan.
May malawak na espasyo para sa fire trucks, emergency vehicles at iba ang mga kagamitan ang bagong fire station na kinakailangan para sa kanilang mabilis na pagresponde sa mga pangangailangan.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, mahalagang mailapit sa mamamayan ng Tanza ang serbisyo sa biglaang pangangailangan kaya’t kanilang itinayo rito ang bagong fire station upang hindi na maghintay pa ang mamamayan ng matagal sa pagdating ng mga bumbero na galing sa ibang lugar o sa karatig lungsod sa oras na magkaroon ng sunog dito.
“Isa itong malaking hakbang upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa sunog na makakapagligtas sa buhay at ari-arian ng mga taga-Tanza,” dugtong pa ni Mayor Tiangco.
Suportado naman ni Rep. Toby Tiangco ang proyekto at sinabing
mahalagang puhunanan ang mga proyektong imprastraktura na nagliligtas ng buhay lalu na’t lumalaki ang populasyon at aktibidad na pang-ekonomiya sa Tanza. “This new fire station is a crucial investment in the safety and well-being of our people,” pagdidiin pa ni Rep Tiangco.
Dumalo rin sa naturang pagpapasinaya sina Navotas City Fire Marshal F/Supt. Leo Andiso, Bureau of Fire Protection NCR Officer-in-Charge F/SSupt. Jerome Reaño, at District Fire Marshal F/SSupt. Flor-ian Guerrero. JOJO RABULAN