MANILA, Philippines — Nanumpa sa harap ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang mga bagong halal na opisyal ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) para sa taong 2026-2028 nitong Biyernes sa tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall.
Pinangunahan ni Jocelyn Tabangcura Domenden ng Police Files Tonight at Saksi ang bagong hanay ng mga opisyal bilang pangulo ng organisasyon, habang nahalal namang bise presidente ang reporter at kolumnistang si JAY Reyes ng Remate News Central.
Kabilang din sa mga nanumpang opisyal sina Gene Adsuara ng People’s Balita bilang secretary, Emman Mortega ng DZXL bilang treasurer, Archie Amado ng Net 25 at Radyo Aguila bilang auditor, at Lorenz Tanjoco ng Radyo Pilipinas bilang chairman of the board.
Nanumpa rin ang mga bagong halal na board of directors na sina Edd Reyes ng People’s Tonight/Journal News Online, Steve Raz ng DZMM, Felix Laban ng DZME, Pot Chavez ng Manila Standard, Jun Samson ng DWIZ, at DK Zarate ng Radyo Pilipinas.
Hindi naman nakadalo sa oath-taking ceremony sina Grant Hilario ng Radyo Bombo at Manny Vargas ng DZBB.
Kasama rin sa nasabing panunumpa ang mga adviser ng MCHPC na sina National Press Club Director Aya Yupangco ng DWIZ at Jess Basco ng DWAD.
Sa kanyang maikling mensahe, binati ni Mayor Isko Moreno ang mga bagong opisyal ng press club at kinilala ang mahalagang papel ng media sa paghahatid ng tama at napapanahong impormasyon sa publiko, partikular sa mga Manilenyo.
Tiniyak din ni Domagoso sa mga opisyal at miyembro ng MCHPC ang patuloy na pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan upang mas maipaabot sa mamamayan ang mga proyekto, programa at benepisyong inilalaan ng lungsod sa pamamagitan ng maayos at responsableng pagbabalita.
Ayon pa sa alkalde, malaki ang naitutulong ng mga mamamahayag, lalo na ang mga miyembro ng MCHPC, hindi lamang sa pagbibigay ng tama at kumpirmadong impormasyon kundi maging sa paghahatid ng hinaing at mga suliranin ng mamamayan sa pamahalaang lungsod upang agad na mabigyan ng kaukulang aksyon. JAY Reyes