Home NATIONWIDE Bagong kudeta ipinahiwatig ni Lacson: ‘Gatchalian, ‘eminently qualified’ bilang SP’

Bagong kudeta ipinahiwatig ni Lacson: ‘Gatchalian, ‘eminently qualified’ bilang SP’

124
0

MANILA, Philippines – Panibagong kudeta sa Senado ang niluluto ng bagong minorya na makikita sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson na natatangi si Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang may kapasidad na ibangon ang institusiyon sa kasalukuyang kalagayan nito.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na maaaring magsimula ang pagbangon ng Senado mula sa kasalukuyan nitong kalagayan sa pamamagitan ng isang “Win,” kasunod ng pagkakaisa ng minority bloc sa suporta kay Gatchalian bilang Senate President.

Pinamumunuan ngayon ni Senate President Alan Peter Cayetano ang Senado matapos patalsikin si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ilang linggo ang nakaraan sa botong 13-9-2 na naging krusyal ang pagpasok ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ani Lacson, “eminently qualified” si Gatchalian para sa posisyon, at binigyang-diin hindi lamang ang kanyang kakayahan kundi pati ang kanyang kasipagan at pagiging handa sa mga committee hearing at iba pang gawain sa Senado.

“Siya naman capable, qualified, at saka nag-aaral siya talaga. Lahat na committee hearings na kanyang ina-attend o pine-preside nya even, alam niya ang sinasabi niya. Prepared siya lagi. So tingin namin eminently qualified siya to become the SP of the 20th Congress at least,” ani Lacson sa panayam sa DZMM radio.

“Alam naming qualified si Sen. Gatchalian, kaya niyang dalhin ang Senado at magkakaroon ng united front against all issues na bumabalot sa Senado ngayon,” dagdag niya sa panayam sa DZRH. “Siya ang pwedeng acceptable hindi lang sa aming minority kundi sa ilang senador sa majority sa ngayon.”

Binigyang-diin din ni Lacson na si Gatchalian, bilang chairman ng Senate finance committee, ay tumulong sa pagsusulong ng transparency sa pagbuo ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

Nang tanungin kung papasok ba siya sa posibilidad na maging Senate President, sinabi ni Lacson na hindi niya ito iniisip dahil ang naturang posisyon ay nangangailangan ng malawak na “gray area.”

“Dapat marunong kang makibagay, give and take. At dapat napakalawak ng iyong gray area. Ako napakanipis ng gray area ko. Kung anong black, black yan. Kung anong white, white yan. So hindi ako uubra,” aniya.

Sa ngayon, sinabi ni Lacson na umaasa ang minority bloc na may ilang miyembro ng majority bloc na sasama sa kanilang adbokasiya para ibalik ang integridad ng Senado.

“Sa amin non-negotiable na yan, kailangan isalba namin. Never in my memory sa tagal ko sa Senate wala akong naalalang panahon na nasapawan kami ng House of Representatives pagdating sa perception,” aniya.

Ipinahayag din niya ang pagkalungkot sa pagbaba ng imahe ng Senado sa mga nakaraang taon dahil sa mga isyu gaya ng pagpasa ng 2025 GAA—na tinawag na pinakamalalang usapin sa korapsyon sa kasaysayan—ang pagkakadawit ng ilang senador sa flood control mess, at mga kasong kinahaharap ng ilang mambabatas sa Department of Justice, kabilang si Sen. Rodante Marcoleta na nahaharap sa kasong plunder at indirect bribery sa Ombudsman.

“Saan ka nakakita sa whole lifetime ng Senado na may ganito karaming hinaharap na kaso? Ngayon lang,” aniya.

Binanggit din ni Lacson ang lumalalim na political divide sa Senado. Ipinunto niya na noong panahon ng Senate presidency ni Vicente Sotto III, may mga pagkakataong hindi dumadalo ang minority members sa all-senators’ caucus. May ilang senador din umano na hindi na sumusunod sa dress code at nagsusuot ng jackets at short-sleeved shirts.

Ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13 ay maituturing na pinakamababang punto ng institusyon sa ngayon, aniya. “Yun ang walang pupuntahan pa, wala pang ibababa pa.”

Umabot na rin sa puntong naisip niyang magbitiw bilang senador dahil sa lumalalang imahe ng institusyon, ngunit pinayuhan siya ni Sotto na huwag gawin ito.

“There are times na naisip ko yan, what for? Kasi pati kung kabi-kabila parang putik na-putik na yung Senado na nasaan na yung redeeming value namin,” aniya sa One News nitong Biyernes.

Binigyang-diin ni Lacson na dapat pag-isipan ng mga senador kung ano pa ang maaari nilang gawin upang mailigtas ang institusyon. Tinukoy niya ang mga batikos sa social media, na aniya ay kadalasan ay organiko at nagmumula sa tunay na saloobin ng publiko.

“Ang nagsasalita ngayon hindi kumikibo pero napipilitan sila dahil silakbo ng damdamin ang gustong ilabas … para ipahayag ang damdamin tungkol sa Senado sa ngayon,” aniya.

“Hope springs eternal. Laging nag-hope kami, hoping against hope, na talagang sa lalong madaling panahon, maibangon namin ang kinatatayuan ngayon ng Senado na talagang napakababa sa pananaw ng ating mga kababayan,” dagdag niya.

Kasabay nito, nagpahayag din ng buong suporta si Senador Francis “Kiko” Pangilinan kay Gatchalian bilang senate president sakaling magbago ang takbo ng botohan sa Senado.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na  “gusto naming lahat na kabilang ng SB-11, o Solid Bloc 11, na maging Senate President si Senator Sherwin “Win” Gatchalian.’

Aniya, napatunayan niya, lalo na sa mga deliberasyon para sa 2026 national budget, na kaya niyang protektahan ang pera ng bayan at matiyak na mapupunta ang pondo kung saan ito higit na kailangan.

“Kung prinsipyo ang pag-uusapan, may kakayahan, matatag, at patas si Sen. Win. Sa usaping praktikal, maaari niyang ipag-isaa ng isang mas malawak, reform-oriented na Senado, na mas balanse, mas may pananagutan, at katanggap-tanggap kahit sa ilang miyembro ng kasalukuyang mayorya. Maging ang kasalukuyang Senate President na si Cayetano ay nagsabi na maaari niyang iboto si Senator Win bilang SP.” Ayon kay Pangilinan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here