Home NATIONWIDE Bagong istasyon sa Pag-asa Island pinasinayaan ng PCG

Bagong istasyon sa Pag-asa Island pinasinayaan ng PCG

MANILA, Philippines – Pinasinayaan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bagong station nito sa Pag-asa Island, na inaasahang magpapahusay sa kakayahan ng ahensya na subaybayan ang paggalaw ng mga puwersa ng China sa karagatan ng Pilipinas

Sinabi ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año umaasa siya na ang bagong “state-of-the-art” facility ay makakatulong sa mga pagsisikap ng gobyerno na itaas ang kamalayan sa mga “provocative at bullying” na mga aksyon ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ng opisyal na naniniwala siyang ang tinatawag na transparency strategy na ito ay makakaimpluwensya sa pag-uugali ng China.

Ayon sa NSA, ang bagong station ay may radar systems, coastal cameras, at equipment para sa automatic identification, satellite communication, at vessel traffic management.

Nitong Biyernes ng umaga namataan ang 19 barko ng China sa bisinidad ng Pag-asa Island o tinatawag na Thitu Island.

Matatagpuan sa timog-kanluran ng Palawan, nasa loob ito ng exclusive economic zone sa WPS — isang bagay na tinutuligsa ng China sa kabila ng isang landmark na desisyon noong 2016 na pabor sa Pilipinas.

Sinabi ng security adviser na bukod sa Pag-asa Island, tinitingnan din ng gobyerno ang pagpapabuti ng iba pang maritime features na inookupahan ng Pilipinas. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)