Home NATIONWIDE Bagong laya balik-selda sa pag-hostage sa matanda

Bagong laya balik-selda sa pag-hostage sa matanda

MANILA, Philippines – Ligtas na nasagip ng Parañaque City police ang isang senior citizen na hinostage ng limang oras at binantaang babarilin kapag lumabas ng bahay ng isang bagong laya sa kulungan na suspect nitong nakaraang Martes, Mayo 28.

Sa report na isinumite ni Parañaque City police chief P/Col. Melvin Montante sa Southern Police District (SPD), hinostage ng bagong laya na suspect ang 61-taong-gulang na biktimang karpintero sa loob mismo ng kanyang bahay sa Barangay San Antonio, Parañaque City.

Sa salaysay ng anak ng biktima, nakita niya ang suspect sa tapat ng kanilang bahay na may nakasukbit na baril at pumasok sa kanilang bahay na hinahanap ang biktima na lumabas sandali upang bumili ng kape.

Nakita ng anak ng biktima na itinago ng suspect ang baril sa itaas ng cabinet at pagbalik ng kanyang ama ay inilipat na ito sa mismong kabinet ng biktima.

Pagbalik sa bahay ay dito na hinostage at tinutukan ng suspect ng baril ang biktima at sinabihang huwag lalabas ng bahay dahil babarilin siya ng suspect.

Dito na nakakuha ng tiyempo ang anak ng biktima na makalabas ng bahay at humingi ng tulong sa mga pulis.

Agad na dumating ang responde ng pulisya kung saan mismong si Montante ang naging negosyador sa pagsuko ng suspect na tumagal ng hanggang limang oras bago ito nakumbinsing sumuko ng mismong hepe ng lokal na kapulisan.

“We tried to pacify and talk with this hostage taker. Our number one procedure is a peaceful resolution,” ani Montante.

Sinabi ni Montante na kalalabas pa lamang ng kulungan ang suspect na naharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.

Sa panig naman ng suspect ay sinabi nito na kaya niya nagawa iyon ay mayroon nang dati pang atraso ang pamilya ng biktima sa kanya ngunit hindi naman niya sinaktan ang matanda kundi tinakot lamang niya ito.

Kasalukuyang nakapiit sa custoidal facility ng Parañaque City police ang sudpect na nahaharap sa mga kasong serious illegal detention, alarm and scandal, at RA 10591 o illegal possession of firearms and ammunition sa Parañaque City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)