Home NATIONWIDE Lugi sa agrikultura kay Aghon nasa P11.8M, pero suplay ng pagkain stable...

Lugi sa agrikultura kay Aghon nasa P11.8M, pero suplay ng pagkain stable pa rin

MANILA, Philippines – SINIGURO ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes ang pangkalahatang stable na supply ng pagkain sa bansa sa kabila ng pananalasa ng bagyong Aghon.

Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang pinsala sa agrikultura dahil sa bagyong Aghon ay nasa P11.83 milyon na ngayon, na karamihan sa mga pagkalugi ay naiulat sa sektor ng bigas.

“Sa ngayon, wala pa tayong nakikitang malaking epekto ng Aghon. Napakaliit pa ng damage na na-register sa agriculture sector” sinabi niya.

Kaugnay nito sinabi pa ng opisyal na kasama sa kabuuang pinsala ang PHP10.66 milyon sa produksyon ng bigas, kung saan ang Laguna at Quezon ang pinakamahirap na tinamaan; gayundin ang PHP1.15 milyong pinsala sa mga high-value crops.

Sinabi pa ni De Mesa na medyo maliit ang pinsala dahil ang bansa ay umani na ng humigit-kumulang 99 porsiyento ng mga palay nito para sa tag-araw, at karamihan sa mga sakahan ay nasa ilalim ng paghahanda ng lupa o nasa maagang yugto ng produksyon ng pananim para sa tag-ulan.

Sa usapin ng produksyon ng gulay, aniya, ang epekto ng Aghon sa mga gulay na “pinakbet” sa Calabarzon ay maaaring madagdagan ng ibang rehiyon.

“Ang malapit naman na source ng lowland vegetable natin ay Central Luzon at Cagayan Valley, madali naman iyon ma-supplement. Iyong highland vegetables natin, wala naman tayong problema dahil of course ng Benguet,” ani de Mesa.

Ayon sa DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, humigit-kumulang 84 ektarya ng mga bukirin ang ganap na nasira, habang 155 ektarya ang bahagyang nasira na may posibilidad na makabangon.

Ang mga apektadong lugar ay nasa rehiyon ng Calabarzon at Mimaropa; habang ang Bicol at Eastern Visayas ay hindi pa nagsusumite ng kanilang validated reports.

Samantala, tiniyak ng DA ang standby farm inputs bilang tulong sa mga apektadong magsasaka kabilang ang mga punla para sa palay, mais, at iba pang gulay, gayundin ang mga pataba. Santi Celario