MANILA, Philippines – Isang kondisyon na tinatayang nakaaapekto sa humigit-kumulang 170 milyong kababaihan sa buong mundo at matagal nang kilala bilang polycystic ovary syndrome (PCOS) ay pinalitan ng pangalan upang mapabuti ang diagnosis at gamutan, ayon sa mga mananaliksik na nag-anunsyo nitong Martes sa isang medical meeting.
Ang bagong tawag dito ay polyendocrine metabolic ovarian syndrome (PMOS), na inihain ng isang pandaigdigang koalisyon ng mga pasyente, doktor, at mga medical organization. Inilathala rin ang ulat sa The Lancet kasabay ng presentasyon sa European Congress of Endocrinology sa Prague.
Ayon sa mga mananaliksik, ang lumang terminong PCOS ay madalas nagdudulot ng kalituhan dahil iniuugnay ito sa ovarian cysts, na hindi naman palaging makikita sa lahat ng pasyente.
“The focus on ovarian cysts has led to delays in diagnoses and fragmented care,” ayon sa mga mananaliksik, at layunin ng bagong pangalan na mas maipakita ang hormonal at metabolic na epekto ng kondisyon at mapabuti ang pag-unawa dito sa klinikal na larangan.
Sinabi ni Dr. Terhi Piltonen ng University of Oulu sa Finland, lead author ng pag-aaral sa The Lancet, sa isang research letter na inilathala sa JAMA Internal Medicine na ang maling pagkakaunawa sa kondisyon ay nagdulot ng pagkaantala sa diagnosis at paggamot.
Batay ang desisyon sa pagpapalit ng pangalan sa mahigit 14,000 sagot sa survey mula sa mga pasyente at health professionals sa iba’t ibang bansa, pati na rin sa input ng 56 akademiko, klinikal, at patient organizations at dalawang international workshops.
Kabilang sa sintomas ng PMOS ang hindi regular o walang regla, infertility, komplikasyon sa pagbubuntis, labis na pagtubo ng buhok, acne, anxiety at depression, pagtaas ng timbang, obesity, diabetes, insulin disturbances, at sakit sa puso at ugat. Sa halip na cysts, karaniwang may excess antral follicles sa obaryo ang mga pasyente.
Bagama’t wala pang lunas, maaaring ma-manage ang mga sintomas sa pamamagitan ng gamot, tamang pagkain, at ehersisyo, ayon sa Endocrine Society.
Inaasahang isasagawa ang paglipat sa bagong terminolohiya sa loob ng susunod na tatlong taon, kabilang ang pag-update ng clinical guidelines, training ng health workers, at disease classification. RNT