MANILA, Philippines – Pormal nang naupo sa puwesto bilang bagong director ng Manila Police District (MPD), sa katauhan ni Police Brig. Gen. Benigno Leonud Guzman.
Kasunod ito ng idinaos na turn-over of command ceremony sa punong tanggapan ng MPD sa United Nations Avenue, Ermita, Manila Byernes ng umaga.
Pinalitan ni Guzman sa puwesto si PBGen Arnold Thomas Ibay, na itinalaga naman upang maging Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR) kung saan uupo rin siya bilang OIC.
Makakasama rin niya ang iba pang pangunahing opisyal na sina, Lt. Col. Arnel Solis, tagapagsalita ng Police Regional Office 6, P/Col. Dennis Esguerra bilang OIC Deputy Regional Director for Administration, P/Col. Gilbert Gorero, OIC Chief of Regional Staff, at P/Col. Ronaldo Palomo bilang OIC Regional Operations Management Division.
Pinalitan ni Ibay sa naturang posisyon si Police Brig. General Jack Limpayos Wanky, na itinalagang Officer-in-Charge ng PRO-NIR at naging hepe ng PRO-6 bilang Concurrent Regional Director.
Bago naging OIC MPD chief, naglingkod rin si Guzman bilang direktor ng Philippine National Police Manila District Office, na may ranggong Brigadier General.
Ang change of command ceremony ay dinaluhan ni Manila Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, na nagsilbing Guest of Honor at Speaker ng okasyon.
Nagsilbi namang Presiding Officer sa seremonya si National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director PMGEN Anthony A. Aberin.
Nabatid na noong Marso 27, 2025 ng ma-activate ang PRO-NIR, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pahusayin ang seguridad at pamamahala sa bagong tatag na rehiyon na ang punong-tanggapan ay sa Camp Alfredo Montelibano Sr. sa Bacolod City.
Ang PRO-NIR ay binubuo ng Negros Occidental Police Provincial Office, Negros Oriental Police Provincial Office, Siquijor Police Provincial Office, at Bacolod City Police Office. Jocelyn Tabangcura-Domenden