Home NATIONWIDE Bagong NBI director pinangalanan

Bagong NBI director pinangalanan

MANILA, Philippines- Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes ang dating pulis na naging trial court judge na si Jaime Santiago bilang bagong direktor ng National Bureau of Investigation (NBI).

Pinalitan ni Santiago, nakilala noong dekada ’90 bilang sharpshooter ng Manila Police District, si Medardo de Lemos.

Kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagkakatalaga ni Santiago.

Nagsilbi ang dating NBI director sa Manila Regional Trial Court judge. 

Nanumpa si Santiago sa harap ni Bersamin nitong Biyernes, Hunyo 14.

Naging bahagi si Santiago at kalaunan ay pinangalanang Deputy Chief ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Manila Police Department (MPD).

Isinapelikula ang kanyang buhay na may pamagat na “SPO4 Santiago Sharpshooter,” kung saan si Senator Ramon ”Bong” Revilla Jr. ang gumanap na bida.

Nakatanggap siya ng ilang pagkilala bilang isang police officer kabilang ang Senior Non-Commissioned Officer of the Year ng WPD, isa sa Ten Outstanding Policemen of the Philippines (TOPP) ng Jaycees, at Act of Heroism Award mula sa NCRPO.

Noong 2005, itinalaga siyang presiding judge ng Metropolitan Trial Court (MeTC) Branch 12 at noong 2011, na-promote siya bilang presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 3, Manila. RNT/SA