Home NATIONWIDE Bong Go, nagselebra ng b’day kasama mga batang may kanser

Bong Go, nagselebra ng b’day kasama mga batang may kanser

Mas pinili ni Sen. Bong Go na makasama ang mga batang mas kanser sa Philippine Children's Medical Center (PCMC) sa Quezon City noong Araw ng Kalayaan kaysa maselebra ng kanyang kaarawan.

MANILA, Philippines- Iginugol ni Senador Christopher “Bong” Go ang Araw ng Kalayaan, kasama ang mga batang pasyente upang makapagbigay ng ngiti sa kanilang mga paghihirap sa kalusugan sa kanyang pagbisita sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City.

Bago ang kanyang kaarawan kahapon, sinamantala ni Go ang pagkakataon para makapiling sa kanyang espesyal na araw ang mga nagbigay inspirasyon sa kanya upang mapabuti ang sistema ng kalusugan ng bansa.

Sinabi niya na ang kanyang pagbisita sa PCMC ay pagpapatuloy ng kanyang panata na nagsimula, ilang taon na ang nakararaan sa Davao City, kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil pareho nilang pinahahalagahan ang mga batang may cancer.

Bilang chair ng Senate committee on health, naging pagkakataon din ito para matukoy ni Go kung ano pa ang maibibigay niyang tulong sa ospital at sa mga pasyente nito.

Bukod dito, naging venue din ang kanyang pagbisita upang ibahagi ang mga nakaka-inspire na kwento ng mga bata na may tapang na higit pa sa kanilang mga taon.

“Ang dami niyo pong napupuntahan, ang dami niyo pong taong natutulungan. Kami naman po, pabalik-balik naman sa ospital… Pero promise po, magpapagaling po kami… para kami naman po ang tutulong sa ibang mga bata,” ang sabi ng 10-anyos na si Sherwin Arocha na may Langerhans-cell histiocytosis at may takip pa ng gasa ang isang mata.

Si Don Raizen Parafina, nakikipaglaban naman sa malubhang aplastic anemia sa edad na 15, ay nakatagpo ng kaaliwan sa pagsisikap ni Go na tulungan ang mga maysakit at nangangailangan.

“Kuya Senator, may the Lord bless you always. Stay strong po… kasi kayo po ang aming inspirasyon ngayon,” ang sabi ni Don.

Sa gitna ng koro ng pasasalamat at mga pagbati, ang 10-anyos na survivor ng leukemia na si Vinz Matthew Fugaban ay nagpasalamat sa senador sa pagpiling magdiwang kasama nila.

“Thank you po kasi mas pinili n’yo na mag-celebrate kasama kami. Wala man po kaming naihandang regalo, sana po ay mapasaya pa rin namin kayo.”

“Magpe-pray po kami para sa inyo. And ipag-pray n’yo rin po kami na sana alisin na ni Lord ang sakit namin. Para next year, magkakasama po tayo ulit” sabi ni Markhen Nidal Gabuyan, 11, na lumalaban sa acute lymphoblastic leukemia.

Sa mga munting tinig, isa ang namumukod-tangi na pamilyar sa senador — si John Paul Cuilao, isang batang lalaki na ang buhay ay nakaugnay kay Sen. Go mula noong 2018 nang bumisita ang noo’y Special Assistant to the President sa PCMC.

“Hello Sir Bong, ang aking bestfriend,” simula niya at ikinuwento ang una nilang pagkikita sa labas ng isang hospital ward.

“Kalbo pa ako noon ngayon may buhok na ako. May cancer pa ako noon ngayon cancer free na ako.”

“Idol po kita sa pagtulong. Salamat sa walang sawang pagsuporta sa ‘Touch of Love’ group. Mahal na mahal po kita at mahal na mahal ka po namin,” ang sabi ni John Paul.

Ang ‘Touch of Love’ ay isang non-profit organization na itinatag noong 2018 sa suporta ni Go. Nabuo ito matapos ipahayag ni John Paul ang kanyang pananaw na hikayatin at bigyan ng pag-asa ang ibang mga bata na nakikipaglaban sa cancer.

Naantig si Go sa pahayag ni John Paul at sinabing “Natutuwa ako kasi dati wala kang buhok, ngayon mas manipis na buhok ko sayo. Ngayon mas malusog pa siya sa akin,” ang pagbibiro ng senador.

“Ayoko mag-party. Kase si dating Pangulong Rodrigo Duterte, dating mayor, ‘di nagse-celebrate ‘yan. Sa loob ng 24 years na nagtatrabaho ako sa kanya, nahihiya naman ako na mag-celebrate, hindi naman siya. ‘Di niyo makikita na nagpa-party ako. Kaya noong 2018, pinili kong pumunta ng PCMC… Doon kami nagkakilala ni John Paul,” kuwento ni Go.

May kabuuang 81 batang cancer patients at Malasakit Center beneficiaries ang nakatanggap ng food packs, meryenda, laruan, at tulong pinansyal mula sa senador sa kanyang pagbisita.

Ang mga magulang at piling kawani ay nakatanggap ng mga kahon ng regalo, basketball, at volleyball. RNT