Home OPINION BAGONG NCRPO CHIEF MAGPAPAKILALA NG HIGH TECH APPROACH LABAN SA KRIMEN 

BAGONG NCRPO CHIEF MAGPAPAKILALA NG HIGH TECH APPROACH LABAN SA KRIMEN 

NOONG Miyerkoles ng hapon, pormal na umupo bilang regional director ng National Capital Region Police Office si PMGen Sidney S. Hernia matapos matalagang  Deputy Chief for Administration ng Philippine National Police si PLtGen Jose Melencio C. Nartatez, Jr.
Tumagal ng halos dalawang oras ang turn-over ceremony na pinangunahan ni PNP chief PGen Rommel Francisco Marbil na ginanap sa Hinirang Hall, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Nagpasalamat si Nartatez sa pagkakataong nakapagsilbi siya bilang top cop ng Metro Manila na nagsimula noong Hulyo 7, 2023 kung saan hindi lang kapakanan ng mamamayan ng National Capital Region ang kanyang inasikaso subalit maging ang mga pulis na kanyang iwinasto ang pag-uugali at kasanayan.
Siyempre, suportado ni Nartatez ang bagong hepe na pumalit sa kanya sa pwesto dahil ka-mistah niya sa Philippine Military Academy Class ’92 o Tanglaw- Diwa.
Gayunman, hindi nakalimutan ni Nartatez na magbilin sa mga dating tauhan sa NCRPO na ipagpatuloy ang kanilang dedikasyon sa trabaho at  magserbisyo ng maayos at tapat sa mamamayan.
Sa panayam ng mga mamahayag kay Hernia, hindi nito nakalimutang magpasalamat kay Marbil sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya upang maging hepe ng NCRPO.
Ipagpapatuloy ni Hernia ang mga nasimulang programa sa NCRPO subalit magpapakilala siya ng mga high tech approach sa paglaban sa krimen.
Gayundin ay sisikapin niyang ituro at makasanayan ng mga pulis ang mga high tech na equipment na magagamit sa pagsasaayos ng kaayusan at kapayapaan sa Metro Manila.
Si Hernia, bago natalagang NCRPO director, ay naging director ng Anti-Cybercrime Group at Personnel Records and Management sa Camp Crame, ay ipinagmamalaki ng kanilang klase dahil sa talino nito.
Nabatid na wala pang planong reshuffle si Hernia para sa mga director ng limang police districts sa NCR.
Welcome to NCRPO PMGen Sidney S. Hernia.