MAÑANA habit, ang kaugaliang hindi na yata mawawala sa mga Pilipino dahil ang anomang magagawa nila sa tamang oras ay ipagpapabukas pa.
Nasabi ito dahil noong huling araw ng voters registration ng Commission on Elections sa ilang malalaking mall ay saka lang dumagsa ang mga tao upang magpatala.
Nagkumahog ang mga nais makaboto sa mismong deadline gayung napakahabang panahon ang ibinigay Comelec sa mga nagnanais magpa-rehistro, gustong magpalipat o mare-activate muli ang kanilang karapatang bumoto.
Nagdadalawang-isip na maagang magpatala bilang botante ang karamihan dahil iniisip nila na marami pa ang nagpapa-rehistro gayong sa totoo lang, karamihan naman ay hinahakot ng mga tatakbong kandidato ang mga bayarang botante para sa kanilang lugar o barangay makaboto.
Sa Maynila, katakot-takot na flying voters mula sa karatig lalawigan ang hinakot ng mga tiwaling chairman para matiyak ang kanilang panalo kung sakali at matuloy ang Barangay election sa Disyembre nang susunod na taon.
Ito’y kahit may nakahain ng bill sa Senado na pumasa na sa Kongreso na nauukol sa gawin sa 2028 o 2029 ang susunod na halalang pambarangay at bigyan ng tig-anim na taong termino ang mga kandidato.
Siyempre, pumapalakpak ang tenga rito ng mga opisyal ng barangay, lalo na yung mga nasa huling termino ng panunungkulan dahil mapapalawig ng apat hanggang limang taon ang kanilang panunungkulan.
Pero kahit “in the bag” na ang panukalang batas para gawin na lang sa susunod na apat hanggang limang taon, tuloy pa rin ang paghahakot ng flying voters ng mga tiwaling chairman, para mapakinabangan naman ng minamanok nilang kandidato sa lokal na halalan sa susunod na taon.
Sa totoo lang kasi, kapag ang kandidatong alkalde, kongresista, at maging konsehal ay nakakuha ng napakalaking boto sa isang barangay na magiging dahilan ng kanilang panalo, aba’y walang duda na walang puknat na biyaya ang matatamasa ng “chairman hakot botante”.
Mahirap, matagal at magastos ang proseso sa pagpapatanggal ng flying voters kaya naman sinasamantala ito ng mga tiwaling opisyal. May magreklamo man sa paghakot nila baka tapos na ang halalan ay wala pang desisyon.
Dapat ay mabigat na parusa tulad ng ‘perpetual disqualification’ sa mga opisyal ng barangay ang mahuhuling may mga flying voters at magsagawa motu-proprio investigation ang Comelec sa oras na makatanggap ng reklamo, baka maging daan ito para magdalawang-isip pa ang mga politiko sa “pagtatanim” ng flying voters sa kanilang barangay.