
IPINAAALAM ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na may bagong patakaran kaugnay ng ligtas na pagdadala ng laptop, cellphone at power bank sa pagsakay sa biyaheng panghimpapawid.
Nakikipagtulungan ang ahensiya sa mga lokal at dayuhang airlines upang gabayan ang kani-kanilang mga pasahero sa wastong pagdadala ng mga
electronic gadget na inilalagay sa overhead compartment ng eroplano.
Ginawa ang pagbabago sa regulasyon matapos ang isang insidente ng sunog sa isang Air Busan na eroplano sa Gimhae International Airport noong February 28, 2025 na batay sa imbestigasyon ay nagmula sa isang power bank.
Hindi na papayagang ilagay sa hand-carry bag, kundi dapat lamang hawakan ng pasahero sa buong biyahe ang laptop, cellphone at power bank upang hindi mahirapan ang mga cabin crew ng airline sa pagtunton sa mga ito kung sakaling may mangyari.
Hindi na rin papayagang ilagay sa checked-in baggage ang power bank, charger, at e-cigarette, pupuwede lamang sa hand-carry bag.
Ngunit mahigpit na ipatutupad ang limitasyon sa kapasidad ng power banks.
Ayon sa regulasyon ng CAAP, pinapayagan ang paggamit ng transmitting portable electronic devices, partikular ang mga laptop at cellphone, kabilang ang MP3 at GSM Onboard Aircraft (GSMOBA), sa ilalim ng ilang kondisyon, sa lahat ng komersyal na eroplano na lumilipad sa loob o dumaraan sa teritoryal na hurisdiksyon ng Pilipinas.
Habang bukas pa ang mga pinto ng eroplano, maaaring gamitin ang mga laptop at cellphone. Ang paggamit ng Internet, short message service (SMS), o voice communication ay pinapayagan maliban kung ipagbawal ito ng pilot-in-command.
Ang lahat ng transmitting portable electronic devices tulad ng laptop na gumagamit ng broadband communication at cellphone ay kailangang patayin kapag ang eroplano ay nagre-refuel.
Kapag nakasara na ang mga pinto ng eroplano, ang mga transmitting portable electronic devices ay dapat ilagay sa silent mode at maaari lamang gamitin para sa SMS o Internet.
Hindi pinapayagan ang voice communication maliban na lang kung gamit ang GSM Onboard Aircraft, basta’t hindi ito makaaapekto sa maayos na operasyon ng paglipad.
Maaari namang maglaro ng mga electronic games pero dapat ay nasa silent mode.
Ang mga pagbabago sa regulasyon ayon sa CAAP ay para sa kaligtasan ng mga pasahero at mga tauhan ng eroplano.