Home NATIONWIDE ‘Bagong Pilipinas’ ni PBBM kinalampag ni VP Sara: May nagbago ba?

‘Bagong Pilipinas’ ni PBBM kinalampag ni VP Sara: May nagbago ba?

MANILA, Philippines – MULING binatikos ni Vice President Sara Duterte ang administrasyong Marcos sa paggamit ng slogan na “Bagong Pilipinas”, naniniwala na walang nagbago sa bansa sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Si Duterte, nasa 6th District ng Maynila sa Santa Ana, Sabado ng gabi, para suportahan ang mayoral comeback ni Isko Moreno, sinabi sa crowd na iboto ang mga kandidato ng PDP Laban upang makita ang tunay na pagbabago.

“Ang kailangan nating gawin, ituloy ang nasimulan ni Pangulong Duterte at ituloy ang tunay na pagbabago. Hindi ‘yung sinasabi ngayon na may Bagong Pilipinas pero may nagbago ba sa bayan natin?” ang tanong ni Duterte sa mga tagapanood.

“Paulit-ulit lang. Maraming rason, paulit-ulit lang ang kahirapan, paulit-ulit lang din ang pangako. Wala namang nagbago. Lalo pang nagugutom ang mga tao, lalo pang dumadami ang naghihirap,” aniya pa rin.

Sa nasabi pa ring event, kinastigo ni VP Sara si Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante sa mismo nitong distrito, sa pagpapakita ng mga larawan ng huli na nasa stage na nakalabas ang dila.

“Anong tawag sa ganitong tao, mga anak? Walang [respeto]. Klaro ‘yan ha. At kanino siya walang respeto? Sa inyo. Sa inyo siya walang respeto. ‘Bleh, ako nakaupo, kayo nagugutom,’” ang sinabi ni VP Sara.

Si Abante ay isa sa mga mambabatas na pinangunahan ang House Quad Committee (QuadComm), inimbestigahan ang mga krimeng iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), drug war deaths, at illegal drug trade sa bansa. Kris Jose