Home METRO Bagong Polytechnic College sa Navotas, binuksan; pag-aaral, libre

Bagong Polytechnic College sa Navotas, binuksan; pag-aaral, libre

252
0

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang pagbabasbas ng mga bagong pasilidad sa Navotas Polytechnic College noong Hunyo 24, na nagpapatibay sa pangako ng lungsod sa libreng de-kalidad na edukasyon bilang bahagi ng ika-18 anibersaryo ng pagkakatatag bilang lungsod.

Nakiisa rin ang iba pang mga opisyal ng lungsod sa inagurasyon ng bagong NPC na may 28 silid-aralan, limang computer laboratories, tatlong science labs, isang speech lab, isang aklatan, mga indoor at outdoor café, at isang gymnasium.

“Mananatiling libre ang pag-aaral sa NPC,” paniniguro ni Mayor Tiangco.

“Hindi lang tayo nagtataas ng mga gusali, binubuo natin ang kinabukasan ng kabataan,” pahayag niya.

Binigyang-diin ni Mayor Tiangco na ang edukasyon ang naglalatag ng batayan para sa isang mas malakas, mas progresibong Navotas.

“Holistiko ang ating pagtingin sa edukasyon—hindi lang ito tungkol sa pagtatapos o pagkakaroon ng diploma. Gusto nating hubugin ang mga Navoteñong may pagpapahalaga sa life-long learning at may tamang pagpapasya para sa sarili, pamilya, at komunidad,” aniya.

Samantala, sinabi ni Cong. Tiangco na ang pamumuhunang ito ng lungsod ay idinisenyo para sa pangmatagalang panahon.

“Hindi lang ito para sa kasalukuyan. Ito ay paghahanda para sa kinabukasan ng ating mga kabataan at ng ating lungsod,” sabi niya.

“Sa bawat estudyanteng may natapos, may pamilyang umaangat, at may komunidad na mas umuunlad,” dagdag niya. Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here