MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si trade diplomat Dita Angara-Mathay bilang bagong kalihim ng Department of Tourism, ayon sa inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes.
Inilarawan ng PCO si Angara-Mathay bilang “a seasoned public servant with decades of experience in trade, investment, and international economic engagement.”
Ayon sa PCO, ipinapakita ng kanyang appointment ang layunin ng administrasyon na ituring ang turismo hindi lamang bilang cultural showcase kundi bilang “a strong driver of jobs, businesses, and regional development.”
Dagdag nito, nais ng pamahalaan na higit na iayon ang turismo sa economic growth sa pamamagitan ng paghikayat ng investments, pagsuporta sa local industries, at pagtiyak na mararamdaman sa mga rehiyon ang pakinabang mula sa turismo.
Pinalitan ni Angara-Mathay si dating Tourism Secretary Christina Frasco, na nagsisilbi na ngayong Presidential Adviser for Sustainable and Resilient Communities.
Bago ang kanyang appointment, nagsilbi si Angara-Mathay bilang Commercial Counselor sa Philippine Trade and Investment Center sa Tokyo, kung saan pinangunahan niya ang strategic partnerships sa mga industriyang Hapones, isa sa pangunahing pinagmumulan ng investment, technology, at tourism ng Pilipinas.
Sinabi ng PCO na pinamunuan ni Angara-Mathay ang mga programang nag-uugnay sa global partnerships at konkretong resulta sa lokal, kabilang ang enterprise development, pagpapalakas ng mga industriya, at pagpapalawak ng oportunidad para sa mga negosyong Pilipino, lalo na sa micro, small, and medium enterprises. RNT