Home OPINION BAGONG TOWING SYSTEM SA M.M.

BAGONG TOWING SYSTEM SA M.M.

SASAILALIM sa makeover ang towing at impounding system ng Metro Manila, salamat sa Metro Manila Council, dahil napapanahon naman nga talaga.

Layunin ng mga bagong patakaran, sa ilalim ng MMDA Regulation 24-004, na magkaroon ng propesyonalismo sa pagto-tow sa mga sasakyan at upang matugunan na rin, sa wakas, ang matagal nang inirereklamo ng mga may-ari ng sasakyan.

Kung nagtataka kayo kung ano ang bago — sa halip na awtomatikong dalhin ang mga sasakyang iligal ang pagkaparada, o kaya naman ay inabandona, sa impounding site sa Tumana sa Marikina City, may opsyon na ngayon ang mga motorista.

May choice na ang mga motorista kung gusto nilang ipa-tow ang kanilang sasakyan hanggang sa bahay, o sa talyer, o sa pinakamalapit na gasolinahan.

Ayon sa MMC, walang babaguhin sa singil sa towing, pero dapat na malinaw na ngayong naka-display ang presyuhan sa mismong towing trucks para sa transparency.

Ang isa pang importanteng pagbabago ay ang paghahati-hati sa Metro Manila sa limang sektor, kung saan may isang one towing service para sa bawat sektor, na igagawad sa pamamagitan ng bidding process. Ang lahat ng kompanya ng towing ay dapat na magrehistro sa MMDA at dapat na nakatutupad sa istriktong dokumentasyon at sa requirements ng sasakyan.

Bagaman ang mga pagbabagong ito ay nangangako ng pagiging patas at episyente, magbibigay ako ng babala sa paglimita sa isang towing company sa kada sektor. Maaari kasi itong mauwi sa pagkakaroon ng monopolyo sa serbisyo, na delikadong magbunsod ng hindi magandang asal at kawalan ng kahusayan sa panig ng piniling kompanya ng towing.

Dapat na siguruhing mayroong pananagutan at importanteng matiyak na pakaiingatan ng mga nagto-tow ang alinmang sasakyan.

Bicol, kailangan ng tulong

Samantala, nagdurugo ang puso ko para sa mga Bicolano sa krisis na kinakaharap nila ngayon, partikular na sa Catanduanes, kung saan libo-libo muli ang inilikas dahil sa pagmamarakulyo ng kalikasan.

Sa nakalipas na mga buwan, walang awa ang pagbuhos ng ulan at pagragasa ng baha. Ngayong linggo lamang, bagamat walang bagyo — sinalanta nang walang tigil na pag-uulan ang rehiyon kaya napilitang lumikas ang mahigit 46,000 indibiduwal mula sa kanilang mga bahay na bumubuo sa 254 na barangay sa apat na lalawigan.

Nagsisiksikan ang pami-pamilya sa evacuation centers, kung hindi man nakikituloy sa kamag-anak ang ilan, habang lumulubog sa baha ang 32 local government units. Hindi na madaanan ang mahahalagang kalsada at tulay, perwisyo sa access para tumanggap ng tulong, gayundin sa kabuhayan.

Dapat na mabahala si President Bongbong Marcos tungkol sa nangyayaring humanitarian crisis na bunsod ng pananalanta ng shear line.

Bukod sa relief goods, dapat mapagtanto ni PBBM na mangangailangan ang Bicol region ng mga estratehiyang pangmatagalan — flood control projects, urban planning na sustainable, at pinaigting na pagtugon kontra kalamidad.

Sa nakalipas na mga buwan, buong tatag na napuruhan ang Bicol sa epekto ng climate disruption, pero umaasa tayong susubukan man lang ng gobyerno na maibsan ang kanilang pagdurusa. Hindi dapat na maging new normal ang ganitong kalagayan para sa kanila.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).