Home OPINION KUNG ANONG ITINANIM, AANIHIN

KUNG ANONG ITINANIM, AANIHIN

NANGUNGUNA noon si Ako Bicol Partylist Rep Zaldy Co sa pagkwestyon sa integridad ng confidential fund at mga programa ni Vice President Sara Duterte at hindi niya binigyang dahilan ang mahalagang papel ng mga ito sa pagnanais na masibak sa pwesto ang dating ka-tandem ni Pangulong Bongbong Marcos sa Uniteam.

Ngayon, si Co ay sinibak bilang chairman ng House Committee on Appropriations at upang hindi naman masyadong masakit at mapahiya ang mambabatas ay binigyan ito ng pagkakataon na sabihing siya ay nagbitiw sa pwesto dahil sa pangkalusugang kadahilanan.

Noon, pinagsama-sama ni Co at mga kakampink este kakampi sa Kamara ang hindi magkakaugnay na isyu tulad ng confidential at intelligence funds ng Davao City at Department of Education at kasama pa ang mga programa ng Office of the Vice President.

Ang nais ng grupo ni Co ay mapatalsik si Duterte o kaya naman ay mawalan ito ng silbi o kaya ay ang kanyang tanggapan upang masira ito sa taumbayan nang hindi tangkilikin sa pagtakbo nito bilang presidente sa 2028 Presidential and National Elections.

Sa madaling salita, ang hangarin ni Co at mga kasamang nang wakwak kay VP Sara ay mga nagsasamantala lang sa kanilang posisyon sa pulitika at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng mag bumoto sa kanila- ang taumbayan.

Gamit ng grupo ng mga ito ang Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program o AKAP na sinasabing kasangkapan o nagsisilbing pondong pambili ng boto ng mga mamamayan na isa sa pinakamatinding pinagmumulan ng katiwalian.

Siyempre, tayong mga Pinoy ay naniniwala sa kasabihang “Kung anong itinanim, siyang aanihin.” Kaya naman dahil hindi maganda ang itinanim nitong mambababatas ay siya niya ngayong inani. Siya ang nawala sa pwesto o kapangyarihan.

Si Co, head ng Sunwest Group na may-ari ng Midas Hotel, ay siya pa ring 1st nominee ng Ako Bicol Partylist sa darating na halalan. Hindi kaya kinakabahan na ang kanyang mga kasama sa partylist na madamay sila sa ganti ng mga tao?

May posibilidad na hindi na tangkilikin ng mga tao itong si Co. Pero mahirap namang manghusga kaagad. Antayin na lang sa darating na halalan. Pero tiyak, ngayon pa lang kinakabahan na si Co at mga kapartido.