
HINDI nakapagtatakang nakahanap na ng katapat etong si ‘Lola’ Sen. Cynthia Villar sa katauhan ng beteranong si Las Piñas City Councilor Mark Anthony Santos.
Kung sa pagsisilbi lang sa taumbayan ay wala namang kwestyon sa naiambag ni Villar pero kung magpupumilit pa rin para lamang masigurong nakaposisyon at maproteksyunan ang pansariling interes ay hindi na rin nakatutuwa, lumalabas tila kasakiman na rin sa kapangyarihan.
Sa nakalap ng Good Riddance, tumungo raw etong senadora sa Sitio Pugad Lawin, Barangay Almanza Dos bago mag-Pasko at nag-anunsyo na kanyang ipamamahagi ang limang-ektaryang lupa na tinitirhan ng 4,800 residente kapalit umano ng boto sa mga kandidato “Team Villar” sa darating na May midterm elections.
Subalit, ating napag-alaman sa record ng city hall na kailanman hindi nakapangalan ang lupa sa mga Aguilar o Villar na umano’y inaangkin ng senadora.
Sa madaling salita, tila nabuking ng mga residente ng Sitio Pugad Lawin ang senadora nang kanilang makumpirma na hindi naman pala pag-aari ng pamilya ng mambabatas ang nasabing lupain.
Kamakailan lang ay bumalik si Villar sa nasabing lugar pero sa pagkakataong ito ay tila nag-iba na ang kanyang tono at mga ipinangako.
Hindi na n’ya raw inulit ang tungkol sa kanyang ipamamahaging lupain sa informal settlers kundi ang bagong pangakong ‘walang sawang’ ayuda sa buong taon ng 2025.
Agad namang nag-komento ang katunggali ni Villar na si Santos.
“Paano mo paniniwalaan ang isang kontrobersyal na senadora kung saan ay binanggit niya sa kanyang talumpati na ang kanyang anak na si Senator Mark Villar ay naglagay na daw ng budget para sa ayuda ngayong 2025.”
“Isa uling scam o budol scheme ang ginagawa ni Villar sa mga residente ng Sitio Pugad Lawin. Tama na sa panlilinlang!” ani Santos.
Sabay hinimok ni Santos ang mga residente rito na huwag paniwalaan ang pambobola ni Villar tungkol sa ayuda at cash benefits dahil ang kanyang ipinamigay ay mula sa buwis ng bawat Pilipino at hindi galing sa sarili niyang bulsa.
Magiging exciting ang tunggalian sa lungsod sa pagitan nina Villar at Santos sa darating na halalan sa Mayo at sana’y mas maging wise na ang mga botante.