
NITONG nakaraang Disyembre, nagsilabasan ang daan-daang bilyong pisong kwestiyonableng mga proyekto ng Department of Public Works.
Pinakamalaki sa mga kinukwestiyon ng Commission on Audit ang P216 bilyong na-delay na mga proyekto ng DPWH noong 2023.
May nakita rin ang COA na P20.3 bilyong walang kompleto at tamang dokumento noon ding 2023.
Sa Kabikulan naman, may P13 bilyong hindi naipatupad o suspendidong proyekto noong 2023 pa rin.
Noong 2023 at 2024, mismong mga senador naman ang kumuwestiyon kung saan napunta ang P500 bilyong ginastos ng kasalukuyang gobyerno sa mga anti-flood projects nito.
Napakalalaking halaga ang mga ito at ngayon, binigyan ulit ang ahensya ng P1.007 trilyong badyet para sa 2025.
Hindi man kinukuwestion pa ng COA, itong P26B Ayuda para sa Kapos ang Kita Program ay kinukwestiyon ng ilang kritiko.
Itinuturing ito ni ex-Associate Justice Antonio Carpio na ligal na pork barrel samantalang sinasabi ng iba na pinaghatian ng mga kongresman at senador ito makaraang aminin mismo ng ilang senador na may parte silang P5 bilyon dito.
Ang ipinagtataka lang ng bayan, mga brad, itong napakaliit o ilang milyon lang na hindi pa tiyak na may anomalyang confidential and intelligence fund ng isang opisyal ang itinuturing na pinakamalaking maanomalya sa gobyerno samantalang ang COA at Senado na mismo ngayon ang naglilitaw ng lagpas-langit na mga iskam.
Ano na ba ang nangyayari sa mga lider ng bansa at naging masahol pa sila sa mga lider noon sa kanyang bansa na nagsasabi sa iba ng “Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika’t aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo?”
Dapat na itulak ng taumbayan ang COA at Kongreso na kalkalin ang daan-daang bilyong pisong kuwestiyonableng proyekto na karaniwang hawak ng pinakamatataas na lider ng bansa, kasama ang mga senador, kongresman at taga-Palasyo.