Home OPINION PBBM GAGAWA NG PARAAN PARA SA VIROLOGY AND VACCINE INSTITUTE

PBBM GAGAWA NG PARAAN PARA SA VIROLOGY AND VACCINE INSTITUTE

UPANG mapaghandaan ng bansa sakaling may dumating muli na pandemya, gagawaan ng paraan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, napondohan ang konstruksyon ng gusali ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines sa kabila nang hindi paglalaan ng pondo mula sa ipinasang P6.326 trilyong General Appropriations Act para sa taong 2025.

Noon pa kasi itinutulak ni Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum, Jr. ang pagtatayo ng naturang gusali upang magsilbing lugar sa pagsasagawa ng pananaliksik sa mga virus, mga nakakahawang sakit, at salot sa mga hayop at mga pananim.

Sa oras na maitayo ang naturang gusali, magagamit din ito sa pananaliksik ng mga gamot at bakuna na kinakailangan kung sakali at muling magkaroon ng pandemya tulad noong nangyaring delubyo na idinulot ng Covid -19 sa buhay at kabuhayan ng mga tao sa buong mundo at pagbagsak ng ekonomiya sa buong daigdig.

Magugunita na sa panahon ng pandemyang dulot ng Covid 19 sa Pilipinas, gumugol ng bilyon-bilyong halaga nang inutang na salapi ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang makabili ng bakuna, mga gamot, at gamit na proteksyon para pigilan ang hawahan ng nakamamatay na sakit.

Dahil wala pa tayong Virology and Vaccine Institute noon, maraming tao sa Pilipinas ang namatay ng hindi man lamang naiburol at pinaglalamayan ng kanilang mga mahal sa buhay dahil nga sa nakahahawa at mapanganib na sakit.

Pero sa isang banda, marami rin naman ang kumita ng milyon-milyong halaga ng salapi dahil sa ‘over to the max’ na pagtatakda ng presyo ng mga gamit na proteksyon sa nakahahawang sakit na dahilan upang magpatawag ng imbestigasyon ang Senado.

Naalala ba ninyo ang Pharmally na sa kanilang puhunang P600,000 lamang ay nakakopo ng bilyon-bilyong halaga ng supply nilang kagamitan at nagresulta sa biglang paglobo ng yaman ng mga taong nasa likod ng naturang kompanya?

Sa ngayon, mayroon naman ang DOST na VIP Administration Building na unti-unti ng nabubulok kaya noon pa man ay isinulong na ni Secretary Renato Solidum Jr. ang konstruksyon ng bagong gusali na nagkakahalaga ng P680 milyon.

Napakaliit ito kung tutuusin para kumurot man lang kahit konti ang Department of Public Works and Highways mula sa kanilang budget na P1.007 trilyong pisong lalo na’t sila naman dapat na magtayo ng gusali.

Katiting din lang ito kung ikukumpara sa inilaang P26 bilyon sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP pero ang ipinagsentimyento ni Solidum, hindi man lang pinaglaanan ng pondo ang pagtatayo ng kinakailangang gusali.

Kaya ng malaman ito ni PBBM sa kanyang pakikipagpulong sa DOST, tiniyak niya na hahanap siya ng paraan upang mapondohan sa lalong madaling panahon ang pagtatayo ng VIP Building bukod pa sa nasabi ng kalihim na maraming mga balikbayan na scientist ang gustong tumulong sa pananaliksik mga mapanganib na virus na tumatama, hindi lang sa tao kundi sa mga hayop at pananim.

Ang kulang lamang ay pasilidad tulad ng VIP kaya sabi ng Pangulo, hahanap siya ng paraan at aalamin yung mga pinondohang proyekto na hindi kumpleto ang papeles upang magamit muna sa pagtatayo ng gusali.

Naniniwala kasi si PBBM na kailangang paghandaan ang kinabukasan dahil baka may dumating pang mas mapanganib na pandemya pero tiniyak niya na hindi lamang ito para sa pananaliksik ng bakuna sa tao kundi para sa hayop at pananim ang pagtatayo ng gusali.