Home NATIONWIDE Bagyo papasok sa Pinas sa Sabado

Bagyo papasok sa Pinas sa Sabado

1
0

MANILA, Philippines — Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ang isang tropical depression sa silangan ng bansa at posibleng magpalakas sa southwest monsoon o habagat pagsapit ng Linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Pangalanang Francisco ang bagyo oras na makapasok ito sa loob ng PAR.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon bandang alas-4 ng madaling araw sa layong 2,085 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kph malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kph.

Posible umano itong lumakas bilang tropical storm ngayong Biyernes at maging isang ganap na bagyo pagsapit ng Linggo.

Bagama’t mababa ang posibilidad na mag-landfall at direktang makaapekto sa lagay ng panahon at karagatan sa susunod na tatlong araw, hindi pa rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad ng pagtaas ng Wind Signal No. 1 sa silangang bahagi ng Northern Luzon.

Samantala, magpapatuloy ang mga pulu-pulong pag-ulan at pagkulog dulot ng easterlies at localized thunderstorms sa ilang bahagi ng bansa. Inaasahan din ang mahina hanggang katamtamang hangin at banayad hanggang katamtamang pag-alon sa buong kapuluan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here