MANILA, Philippines – Lumakas na bilang tropical storm ang tropical depression na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at binigyan ng international name na Nuri, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, naging tropical storm si Nuri bandang alas-2 ng madaling araw nitong Miyerkules, Marso 11. Huling namataan ang bagyo 1,290 kilometro silangan ng Eastern Visayas na may maximum sustained winds na 65 km/h at mabagal na kumikilos pa-timog kanluran.
Sa weather forecast ng PAGASA, patuloy na makaaapekto ang Northeast Monsoon o amihan sa Luzon at Visayas, habang ang trough ng tropical storm ang magdudulot ng sama ng panahon sa silangang bahagi ng Mindanao.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental dahil sa trough ng tropical storm.
Samantala, makararanas naman ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan ang Batanes, Cagayan, Isabela, at Aurora dulot ng amihan.
Ang Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, at Visayas ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated light rains dahil pa rin sa Northeast Monsoon.
Sa ibang bahagi ng Mindanao, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms. RNT