MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bahagi ng lupain sa De La Salle University Science and Technology Complex sa Biñan, Laguna bilang Knowledge, Innovation, Science and Technology (KIST) Ecozone sa ilalim ng Proclamation No. 985.
Sa pahayag ng palasyo na inilabas nitong Sabado, Agosto 2, ang 50,000 square-meter na bahagi ng lupain ay kikilalanin bilang De La Salle University Innovation Hub.
Matatagpuan ito sa Leandro V. Locsin Campus, Laguna Blvd., Barangay Malamig, City of Biñan, Laguna.
Ang bagong talagang ecozone ay pagtugon sa probisyon ng Republic Act No. 7916 o “Special Economic Zone Act of 1995” na inamyendahan ng Republic Act No. 8748, its Implementing Rules and Regulations, at kaukulang PEZA Board Resolutions, kabilang ang Resolution No. 23-113 (s. 2023), at iba pang supporting resolutions.
Sinabi ng Palasyo na layon ng paglikha ng KIST Ecozone na pagtibayin ang potensyal ng academic institutions sa pagpapaunlad ng research, skills development, commercialization ng R&D, at techno-entrepreneurship, partikular na sa state universities at colleges.
Pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang proklamasyon noong Hulyo 30. RNT/JGC